Checkup ng Batang Walang Sakit: 4 na Taong Gulang

Kahit na malusog ang iyong anak, ipagpatuloy pa rin ang pagdadala sa kanya sa mga taunang checkup. Tumutulong ito na matiyak na protektado ang kalusugan ng iyong anak sa pamamagitan ng mga nakaiskedyul na bakuna at mga pag-screen ng kalusugan. Masisiguro ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na mabuti ang progreso ng paglaki at pag-unlad ng iyong anak. Isang magandang pagkakataon ang checkup upang masagot anumang mga tanong tungkol sa emosyonal at pisikal na pag-unlad ng iyong anak. Magdala ng listahan ng iyong mga tanong sa appointment upang matalakay mo ang lahat ng iyong alalahanin.

Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.

Pag-unlad at mga tagumpay

Magtatanong at oobserbahan ng tagapangalaga ng kalusugan ang pag-uugali ng iyong anak upang magkaroon ng ideya tungkol sa kanyang pag-unlad. Sa pagbisitang ito, karamihang bata ang gumagawa ng mga ito:

  • Inaaliw ang ibang nasasaktan o nalulungkot, tulad ng pagyakap sa umiiyak na kaibigan

  • Gusto na maging "matulungin"

  • Sinasabi ang hindi bababa sa 1 bagay na nangyari sa araw niya

  • Sinasabi kung ano ang susunod sa isang kilalang kuwento

  • Pinapangalanan ang ilang kulay ng mga bagay

  • Nagsasalita ng mga pangungusap na 4 o higit pang salita

  • Humahawak ng krayola o lapis sa pagitan ng mga daliri at hinlalaki (hindi kamao)

  • Gumuguhit ng isang tao na may 3 o higit pang bahagi ng katawan

  • Sinasalo ang malaking bola kadalasan

  • Tinatanggal ang ilang butones

Mga problema sa paaralan at pakikipagkapwa

Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan kung paano nakikitungo ang iyong anak sa iba. Sabihin ang karanasan ng iyong anak sa kapaligiran na panggrupo tulad ng preschool. Kung wala sa preschool ang iyong anak, maaari mo na lang sabihin ang tungkol sa pag-uugali sa daycare o sa panahon ng pakikipaglaro. Maaari mo ring naisin na talakayin ang mga pagpipiliang preschool at kung paano tulungang maghanda ang iyong anak para sa kindergarten. Maaaring itanong ng tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa:

  • Pag-uugali at pagsali sa kapaligiran na panggrupo. Paano kumikilos ang iyong anak sa paaralan o iba pang kapaligiran na panggrupo? Sinusunod ba niya ang rutina at sumasali sa mga aktibidad ng grupo? Ano ang sinasabi ng mga guro o tagapangalaga tungkol sa pag-uugali ng iyong anak?

  • Pag-uugali sa tahanan. Paano kumikilos ang iyong anak sa tahanan? Mas mabuti ba o mas masama ang pag-uugali sa tahanan kaysa paaralan? Dapat mong malaman na pangkaraniwan para sa mga bata na maging mas mabuti ang asal sa paaralan kaysa bahay.

  • Mga pakikipagkaibigan. Nakipagkaibigan ba ang iyong anak sa iba pang bata? Ano-anong uri sila ng kaibigan? Paano nakikitungo ang iyong anak sa mga kaibigang ito?

  • Paglalaro. Ano ang gustong laro ng iyong anak? Halimbawa, naglalaro ba sila ng "kunwa-kunwarian"? Nakikihalubilo ba sa iba ang iyong anak sa oras ng paglalaro?

  • Pagsasarili. Paano nakikibagay ang iyong anak sa paaralan? Paano siya tumutugon kapag umaalis ka? Normal ang ilang pagkabalisa. Dapat itong bumuti sa paglipas ng panahon, habang nagiging mas malaya ang iyong anak.

Mga payo tungkol sa nutrisyon at ehersisyo

Ang malusog na pagkain at aktibidad ay 2 mahahalagang susi para sa malusog na hinaharap. Hindi masyadong maaga upang simulang ituro sa iyong anak ang malulusog na gawi na tatagal nang panghabambuhay. Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin:

  • Limitahan ang katas ng prutas at mga sports drink. Naglalaman ng napakaraming asukal ang mga inuming ito kahit ang purong katas ng prutas. Humahantong ito sa hindi malusog na pagtaas ng timbang at pagkabulok ng ngipin. Pinakamainam inumin ang tubig at low-fat o nonfat na gatas. Limitahan ang katas ng prutas sa isang maliit na baso ng 100% katas ng prutas bawat araw, tulad ng habang kumakain.

  • Huwag maghain ng soda. Pinakamabuti na huwag hayaan ang iyong anak na uminom ng soda. Kung pinahihintulutan mo ang soda, itabi ito para sa mga napakaespesyal na okasyon.

  • Mag-alok ng masusustansyang pagkain. Magtabi ng iba’t ibang masusustansyang pagkain para sa mga meryenda. Maaaring kabilang sa mga ito ang mga sariwang prutas at gulay, karneng walang taba, at buong butil. Dapat bihira lamang ihain ang mga pagkaing tulad ng french fries, kendi, at mga pangmeryenda.

  • Ihain ang bahagi na angkop sa bata. Hindi kailangan ng mga bata ng kasing dami ng pagkain ng matatanda. Maghain sa iyong anak ng sapat na dami para sa kanyang edad. Hayaan ang iyong anak na tumigil sa pagkain kapag busog na siya. Kung nagugutom pa rin ang iyong anak pagkatapos kumain, mag-alok pa ng mga gulay o prutas. Ayos lamang na limitahan kung gaano karami ang kinakain ng iyong anak.

  • Hikayatin ang hindi bababa sa 3 oras na pisikal na aktibidad sa pamamagitan ng aktibong paglalaro bawat araw. Tumutulong ang paglibot sa paligid para mapanatiling malusog ang iyong anak. Dalhin ang iyong anak sa parke, magbisikleta, o maglaro ng mga aktibong laro tulad ng habulan o bola.

  • Limitahan ang screen time sa hindi hihigit sa 1 oras bawat araw. Kasama rito ang mga TV, telepono, tablet, video game, computer, at iba pang device. Kapag gumagamit ng screen ang iyong anak, dapat ang nilalaman ay isang programang pambata sa harap ng isang nasa hustong gulang. Huwag maglagay ng anumang screen sa kuwarto ng iyong anak. Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng pagsasalita, paglalaro, at pakikisalamuha sa ibang tao.

  • Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa timbang ng iyong anak. Sa ganitong edad, dapat madagdagan ng humigit-kumulang 4 hanggang 5 pound ang timbang ng iyong anak bawat taon. Kung labis dito ang nadaragdag na timbang sa kanya, makipag-usap sa tagapangalaga tungkol sa mga gawi sa pagkain at mga patnubay sa pag-eehersisyo.

  • Magkaroon ng mga regular na pagbisita sa dentista. Dalhin ang iyong anak sa dentista nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang taon para sa pagpapalinis at pagpapasuri ng ngipin.

Mga payong pangkaligtasan

Babaeng naglalagay ng helmet sa batang lalaking preschooler na nakasakay sa bisikleta.
Tumutulong ang kagamitang pangkaligtasan sa bisikleta, gaya ng isang helmet, na manatiling ligtas ang iyong anak.

Kabilang sa payo upang mapanatiling ligtas ang iyong anak ang: 

  • Kapag nagbibisikleta, pagsuotin ang iyong anak ng helmet na may nakakabit na strap. Habang nagro-roller-skate o gumagamit ng scooter o skateboard, pinakaligtas na magsuot ng mga wrist guard, elbow pad, knee pad, at helmet.

  • Patuloy na gumamit ng car seat hanggang sa makalakhan ito ng iyong anak. Ito ay kapag higit na sa limitasyon ng car seat ng iyong anak ang kanyang taas o timbang. Tingnan ang manwal ng may-ari ng car seat para sa tiyak na taas o timbang. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung mayroong mga batas ng estado hinggil sa paggamit ng car seat na kailangan mong malaman.

  • Kapag nakalakhan na ng iyong anak ang car seat, lumipat sa high-back booster seat. Pinahihintulutan nito na magkasya nang tama ang seat belt. Dapat gamitin ang booster seat hanggang sa 4 na talampakan at 9 na pulgada ang taas at nasa pagitan ng 8 at 12 taong gulang ang iyong anak. Dapat umupo sa likod na upuan ng kotse ang mga batang wala pang 13 taong gulang.

  • Turuan ang iyong anak na huwag makipag-usap o sumama saanman sa hindi kakilala.

  • Simulang ituro sa iyong anak ang kanyang numero ng telepono, tirahan, at pangalan ng mga magulang. Mahalagang malaman ang mga ito sa isang emergency.

  • Turuang lumangoy ang iyong anak. Maraming mga komunidad ang nag-aalok ng murang pagtuturo sa paglangoy.

  • Kung mayroon kayong swimming pool, tingnan kung may bakod ang buong palibot nito. Isara at ikandado ang mga gate o pinto papunta sa pool. Huwag hayaan ang iyong anak na maglaro sa pool o sa paligid nito nang mag-isa, kahit na marunong siyang lumangoy.

  • Turuan ang iyong anak na lumayo mula sa mga hindi kilalang aso at pusa. Huwag kailanman iwanan ang iyong anak nang mag-isa sa paligid ng mga hayop.

  • Alalahanin ang kaligtasan sa araw. Magsuot ng proteksyong damit. Subukang lumayo sa araw sa pagitan ng 10 a.m. at 4 p.m. Pinakamatindi ang sikat ng araw sa mga oras na ito. Magpahid ng sunscreen na mayroong SPF na hindi bababa sa 15 o aabot sa 50 sa balat ng iyong anak na hindi natatakpan ng damit.

  • Kung kinakailangang magtabi ng baril sa iyong bahay, itago ito nang walang bala at nakakandado.

  • Gumamit ng tamang pangalan para sa lahat ng bahagi ng katawan, at turuan ang iyong anak ng tamang pangalan ng lahat ng bahagi ng katawan. Turuan ang iyong anak na walang sinuman ang dapat humiling sa kanya na magtago ng mga sikreto sa kanyang mga magulang o tagapag-alaga, upang makita o mahawakan ang kanyang mga pribadong bahagi, o para sa tulong sa mga pribadong bahagi ng isang matanda o ibang bata. Kung kailangang suriin ng isang propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ang mga bahaging ito ng katawan, dapat naroon ka.

  • Turuan ang iyong anak na OK lang na magsabi ng "hindi" sa mga paghawak na hindi siya komportable. Halimbawa, kung ayaw ng iyong anak na yakapin ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan, igalang ang kanyang desisyon na sabihing "hindi" sa pagkontak na ito.

Mga bakuna

Batay sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring makuha ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:

  • Dipterya, tetano, at pertussis

  • Flu (trangkaso) taun-taon

  • Tigdas, beke, at rubella

  • Polio

  • Bulutong-tubig o chickenpox (varicella)

Purihin ang iyong anak

Madaling sabihin sa isang bata kung ano ang ginagawa niyang mali. Kadalasang mas mahirap alalahannin na purihin ang bata sa ginagawa niyang tama. Tumutulong ang pagbibigay ng gantimpala sa mabuting pag-uugali (pagpuri) sa iyong anak na magkaroon ng kumpiyansa at pagpapahalaga sa sarili. Narito ang ilang payo:

  • Purihin at bigyang-pansin ang iyong anak para sa pagpapakabait. Kapag angkop, ipaalam sa buong pamilya na nakagawa ng mabuti ang bata.

  • Gantimpalaan ang mabuting pag-uugali ng mga yakap, halik, at maliliit na regalo tulad ng mga sticker. Kapag may mga gantimpala ang pagiging mabuti, patuloy na gagawin ng mga bata ang mga pag-uugaling ito upang makuha ang mga gantimpala. Huwag gumamit ng matatamis o kendi bilang gantimpala. Maaaring humantong sa di-malusog na gawi sa pagkain at emosyonal sa pagkagiliw sa pagkain ang paggamit sa mga treat na ito bilang positibong panghikayat.

  • Kung hindi kumikilos ang iyong anak nang ayon sa iyong gusto, huwag sila bansagang masama o pilyo. Sa halip, ilarawan kung bakit hindi katanggap-tanggap ang kilos. Halimbawa, sabihing “Hindi mabuti ang manakit” sa halip na “Masamang babae ka.” Kapag pinipili ng iyong anak ang tamang pag-uugali kaysa sa mali, tulad ng pag-alis sa halip na manakit, alalahaning purihin ang tamang pasiya!

  • Mangako na magsabi ng 5 mabubuting bagay sa iyong anak araw-araw. At gawin ito!

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.